http://www.google.com.ph/imgres?sa=X&biw=1024&bih=499&tbm=isch&tbnid=IBtl10nA5m_rYM%3A&imgrefurl=http%3A%2F%2Faniruddhn.wordpress.com%2F2012%2F11%2F02%2Fprostitution-legalisation%2Fprostitution-tsy2%2F&docid=RjNrI-WsO1Hy7M&imgurl=http%3A%2F%2Faniruddhn.files.wordpress.com%2F2012%2F11%2Fprostitution-tsy2.jpg&w=649&h=497&ei=acnfUs2fCsmfkAWGh4HoDQ&zoom=1&ved=0CJwCEIQcMEE&iact=rc&dur=340&page=6&start=56&ndsp=12
Tawang-tawa talaga ako nang una kong marinig iyan sa aking
kamag-aral, na may kasama pang panghihikayat ang kanyang boses. Teka, huwag
kang magalit, isa lamang iyang lumang biro ni Jhecka, bilang pagpapatawa sa palaging
isinisigaw ng mga aktibista sa sintang paaralan na, “PUP badyet di sapat, 2
bilyon dapat!” Pag-uyam, kumbaga.
Kahit nagbiro ako sa una para makuha ang atensyon mo, ang mga
ganitong bagay ay hindi dapat ginagawang biro. Magbasa.
University belt ang una mong maiisip kapag pinag-usapan natin
ang pagpasok sa kolehiyo. Tadtad ng paaralan dito at hindi ko na babanggitin pa
isa-isa dahil nga marami sila, hindi lang ang nakikita mo sa UAAP, pati na rin ang
iba pang computer at technical schools. Pero hindi lang naman sa U-Belt may mga
unibersidad, marami sa Quezon City, sa iba’t ibang probinsya, sa Maynila, at
syempre sa Sta. Mesa.
Kaakibat ng pag-aaral ng kolehiyo ang pagkakaroon ng
matrikula, pwera pa ang mga bayarin sa tuwing may pagsusulit, mga proyekto at
iba pa. Hindi biro ang halagang kailangang bunuin sa pagpasok sa unibersidad.
Sa panahon ngayon, at kahit na sa Unibersidad ng Pilipinas na dating halos anim
na libo lang ang binabayad kada semestre, sampung taon na ang nakalilipas ay
nagbabayad na ng higit sa dalawampung libo ang isang estudyante sa isang
semestre. Tanging ang ilang piling state-universities na lang katulad ng PUP
(Polytechnic University of the Philippines) ang may tuition fee na masasabing
abot-kaya na ng isang nagpapaaral. (At talagang napakaswerte kong nakapasa ako
rito). Samantala, ang matrikula sa mga
pribadong unibersidad sa kalakhang Maynila ay hindi bababa sa 25,000Php at
naka-depende pa ito sa dami ng units na kailangang i-enroll ng isang
estudyante.
Saan ngayong palad ng kung sino man huhugot ng pambayad sa
pag-aaral ang mga pobreng mag-aaral?
Prosti-tuition. Prostitusyon na pangtuition. Iyan ang
kadalasang nasisilip na sagot ng mga mag-aaral, karamihan ay kababaihan upang
makahagilap ng pangmatrikula sa mas madaling pamamaraan. Isa ito sa mga
pinakamainit na isyu sa lipunan, bagamat hindi ito ang sobrang “trending topic”
ngayon, hindi pa rin mamatay-matay ang salot na ito.
Sa totoo lang, inis na inis talaga ako sa mga sistemang ito
pero kailangan ko talaga ikwento. Isa sa mga istilo ng mga estudyanteng
kumakapit sa patalim ay ang “laglag-panyo”. Mag-aabang ang isang estudyante,
nakapostura at mabango, at maglalaglag ng panyo sa mga matatandang mayayaman at
nakakotse na daraan,. Pagkatapos noon ay, alam na, may pang-tuition na siya,
yun nga lang, nadaragdagan ang dungis sa danagal niya. Isa pa ay ang “titig-kindat”. Tatambay lamang
ang isang estudyante sa isang sikat na
mall sa Recto na nagsisimula sa letrang “I”, pagkatapos ay kikindat o makikipagtitigan
ito sa natipuhang kustomer at voila! May
pambaon na siya, yun nga lang, sira na naman ang puri niya.
Sa aking palagay, ang prosti-tuition ay isa lamang
manipestasyon ng mas malalala pang mga sakit ng lipunan. Ano ang mga sakit na ito? Una, ang kawalan ng
prayoritasyon ng gobyerno sa sector ng edukasyon. Dahil medyo mayabang ang ating
Pangulo, gusto niyang magtuon ng pansin sa ating pambansang depensa para
makipagsabayan sa ibang bansa. Ang badyet na dapat ay inilalaan nang mas malaki
sa kabataan ay napupunta lamang sa pambili ng armas na galing sa Amerika upang
mas payamanin pa ang bansang umaalipin sa atin na wala naman tayong
napapakinabangan. Mistula tayong papet. Ikalawa ang PAGNANAKAW ng mga MAKAKAPAL
NA MUKHANG opisyal mula sa kaban ng bayan. Sa totoo lang, kung ako ang masusunod,
gusto ko silang ipakagat sa maraming antik, i-wax ang lahat ng buhok sa katawan
at ipasunog lahat sa Luneta para hindi na pamarisan. Ikatlo, ang hindi
makatarungang paraan na naiisip ng mga estudyante upang makalusot sa kahirapan.
Hindi ako nagmamalinis pero MARAMING PARAAN. Hindi prostitusyon ang kasagutan para
makapag-aral ka. Walang madaling paraan sa mahihirap na bagay. Ang mga bagay na
madali mong nakukuha ay mabilis ring mawawala. Hindi ko alam kung tama ba ang
mga nalalaman ko pero sa huli, ang naiisip ko, walang pag-unlad na mangyayari
sa bansa kung ang kabataan ay sinusupot sa mga kaalaman na dapat nilang
matutunan, mapa-eskwelahan man o mapa-labas ng paaralan.
“PROSTITUSYON, EDUKASYON, BIGYAN NG SOLUSYON!” Iyan ang sigaw
ko ngayon. Marinig kaya ni P-Noy? Ano kayang magandang gawin para mapansin niya
ang hinaing ko? Kung maglaglag kaya ako ng panyo sa harap niya, kung saan
nakapaloob ang mga sakit ng mga tinatawag na “pag-asa ng bayan,” pupulutin niya
kaya?
HINDI SIGURO. NAGTUTULUG-TULUGAN PA. MAHIRAP GISINGIN ANG
TAONG AYAW TALAGANG MAGPAGISING.
Resources:
Prostitute, Retrieved Date, January 22, 2014
http://www.google.com.ph/imgres?sa=X&biw=1024&bih=499&tbm=isch&tbnid=IBtl10nA5m_rYM%3A&imgrefurl=http%3A%2F%2Faniruddhn.wordpress.com%2F2012%2F11%2F02%2Fprostitution-legalisation%2Fprostitution-tsy2%2F&docid=RjNrI-WsO1Hy7M&imgurl=http%3A%2F%2Faniruddhn.files.wordpress.com%2F2012%2F11%2Fprostitution-tsy2.jpg&w=649&h=497&ei=acnfUs2fCsmfkAWGh4HoDQ&zoom=1&ved=0CJwCEIQcMEE&iact=rc&dur=340&page=6&start=56&ndsp=12