Miyerkules, Marso 5, 2014

PAKSIW NA AYUNGIN (Masarap... sobra.)


Paksiw na Ayungin
ni Jose F. Lacaba

Ganito ang pagkain
ng paksiw na ayungin:
bunutin ang palikpik
(para sa pusa iyan
at ang matirang tinik),
at ilapit sa labi
ang ulo, at sipsipin
ang mga matang dilat;
pagkatapos ay mismong
ang ulo ang sipsipin
hanggang sa maubos ang
katas nito.
Saka mo
umpisahan ang laman.

Unti-unti lang, dahan-
dahan, at simutin nang
husto--kokonti iyang
ulam natin, mahirap
humagilap ng ulam.
Damihan mo ang kanin,
paglawain sa sabaw.
At huwag kang maangal.
Payat man ang ayungin,
pabigat din sa tiyan.



(http://avrotor.blogspot.com/2010/12/part-2-rare-food.html)




          Hindi ako kumakain ng paksiw na ayungin kaya hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung bakit ito ang napili kong tula. Nasa mataas na paaralan pa lamang ako ay tuwang-tuwa na ako sa tulang ito sa di ko malamang kadahilanan.

          Ika nga ng isang pilosopo, huwag daw gawing kumplikado ang mga simpleng bagay, kaya naman ipapaliwanag ko ang tulang ito gamit ang Teoryang Formalismo. Hindi ko alam kung mababaw ba ako, ngunit nakikita ko ang tulang ito bilang isang “pagdedemo.” Habang binabasa ko ang tulang ito, tila ba naglalaway ako.

Sa una at ikalawang taludtod, mababasang animo’y pinapakita ang pagkain ng paksiw na ayungin, sa ikatlo hanggang ikasiyam na taludtod, itinuturo ang bawat detalye kung paano hihimayin ang isdang na magsisimula sa pagbunot ng palikpik at ibigay na lang ito sa pusa para hindi matinik. Sinundan ito ng pagsubo ng ulo ng isda at kailangang sipsiping mabuti upang masimot ang katas at susundan ito na ng pagkain na ng laman o katawan.

Pagdating naman sa ikalawang saknong, animoy’ pinapakita na dapat dahan-dahanin , lubus-lubusin at simutin ang pagkain ng isdang ito dahil mahirap ang maghanap ng uulamin at kakaunti lamang ito.  Nagpayo rin na damihan ang paglalabay ng sabaw sa kanin upang mabusog sa kakarampot na ulam. Sa huling mga taludtod, nagbabalang huwag na magreklamo sa pag-uulam ng paksiw na ayungin dahil bagamat maliit na uri lamang ng isda ito ay makakapaglaman din ito ng tiyan ng sinumang kakain nito.

Gusto mo na rin ba ng paksiw na ayungin?

RESOURCES:
(Photo, http://avrotor.blogspot.com/2010/12/part-2-rare-food.html) Date Retrieved: March 5, 2014

Miyerkules, Pebrero 19, 2014

PERSTAYM


Naiinip ka ba at walang ginagawa ngayon? Tara, sumama ka sa akin.



          Pamilyar sa iyo itong lugar na ito ‘di ba?


 Tama ka, iyan ang Manila City Hall.

At tutal na rin naman, nandito na rin tayo, dumiretso na tayo sa…


INTRAMUROS!!! Unang pagkakataon kong makapunta rito. Ang lugar kung saan pwedeng pwede ka "magwalling" dahil nga napakaraming pader dito, "THE WALLED CITY" anila. Kaunting kaalaman para sa iyo,  alam mo ba itong Intramuros ay idineklara bilang National Historical Monument noong 1951? Mayroon din itong walong (8) pasukan kaya humanda ka sa masayang paglalakbay.


Iyan ay isa sa mga pasukan papuntang Intramuros. Animo’y eksena sa Plant vs. Zombies kung saan bigla-bigla na lang may susugod na mga zombies.

        Kung ikakasal ka man at ikaw ay isang Katoliko, maganda siguro kung dito iyon magaganap. Sa Manila Cathedral, na nasa loob din ng Intramuros.



Bakas ang impluwensya ng kulturang Kastila sa mga gusaling ito na nakapaloob sa walled city.  Espanyol ang wika, disenyong Kastila, hinubog ng kasaysayan. Ang isa rito ay ginawa na ring tanggapan ng isang sikat na ampunan, ang Gawad Kalinga.




Ngunit sa paglipas ng panahon, nabahiran na rin ng modernong panlasa ang ilang mga istruktura. Past meets present, ika nga.


Natural na kalikasan. Ang bagay na nasa loob ng Maynila na hindi mo akalaing mayroon pa pala.









Mga pangulo ng Pilipinas? Narito rin sila.



Nakakalungkot lang talaga, ang masakit na katotohanan na ang maging ang Intramuros ay hindi nakaliligtas sa ganitong gawain ng tao.




Uy, kapwa natin sa turista, sino kaya siya? Sana, makilala natin siya.


Paano ba yan, kailangan na nating umuwi, oh Intramuros, hanggang sa muli nating pagkikita, paalam!


Pero iyon ang akala ko, hindi pa pala ako uuwi dahil kumalam ang aking tiyan. Habang pauwi, nag-iisip ako kung saan ba masarap ang pagkain ngunit abot-kaya ng bulsa. (Aaminin kong hindi sapat ang pera ko sa presyo mga pagkain sa loob ng Intramuros). Kaya ang naging resulta? Isa pang paggagala! Walang iba kundi sa pinakapaborito kong lugar, ang DIVISORIA!

Dito ako pinadpad ng matakaw kong tiyan. 



Sa pusod ng 168 mall na mura rin ang mga bilihin, natagpuan ko ang Chopsticks and Spoons. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na makapunta  at makakain ako rito. Hindi ako mahilig sa pagkaing banyaga pero nais kong subukan. Chinese and Japanese foods ang inihahain dito. Napag-alaman kong 8 taon na itong nagpapabusog ng mga kumakalaman na tiyan sa murang halaga. Php55.00 lang, busog ka na. :)





Ito ang inorder ko, lomi. Sasambahin mo ang lomi nila sa sobrang sarap. Malapot na sabaw na sinamahan pa ng malutong-lutong na gulay, noodles na tama lang ang pagkakaluto at iba't ibang sahog na talagang mapapa-oohlala ka sa sarap. Babalik ako rito para matikman ko rin ang iba pa nilang putahe.

Ito nga lang ang ikinalungkot ko. Pero ayos lang, may baon naman akong tubig.



Inaasahang kong nagustuhan mo ang pagmamasyal nating ito, hanggang sa muli nating pagkikita! Totoo na talaga, paalam! :)



Miyerkules, Enero 29, 2014

FEEL AT HOME…LESS






At the sinful avenue of Recto, an innocent and unfortunate child found his new home in the presence of an abandoned fruit tray.

Miyerkules, Enero 22, 2014

PROSTITUSYON, EDUKASYON, PAGSAMAHIN!


http://www.google.com.ph/imgres?sa=X&biw=1024&bih=499&tbm=isch&tbnid=IBtl10nA5m_rYM%3A&imgrefurl=http%3A%2F%2Faniruddhn.wordpress.com%2F2012%2F11%2F02%2Fprostitution-legalisation%2Fprostitution-tsy2%2F&docid=RjNrI-WsO1Hy7M&imgurl=http%3A%2F%2Faniruddhn.files.wordpress.com%2F2012%2F11%2Fprostitution-tsy2.jpg&w=649&h=497&ei=acnfUs2fCsmfkAWGh4HoDQ&zoom=1&ved=0CJwCEIQcMEE&iact=rc&dur=340&page=6&start=56&ndsp=12

Tawang-tawa talaga ako nang una kong marinig iyan sa aking kamag-aral, na may kasama pang panghihikayat ang kanyang boses. Teka, huwag kang magalit, isa lamang iyang lumang biro ni Jhecka, bilang pagpapatawa sa palaging isinisigaw ng mga aktibista sa sintang paaralan na, “PUP badyet di sapat, 2 bilyon dapat!” Pag-uyam, kumbaga.

Kahit nagbiro ako sa una para makuha ang atensyon mo, ang mga ganitong bagay ay hindi dapat ginagawang biro. Magbasa.

University belt ang una mong maiisip kapag pinag-usapan natin ang pagpasok sa kolehiyo. Tadtad ng paaralan dito at hindi ko na babanggitin pa isa-isa dahil nga marami sila, hindi lang ang nakikita mo sa UAAP, pati na rin ang iba pang computer at technical schools. Pero hindi lang naman sa U-Belt may mga unibersidad, marami sa Quezon City, sa iba’t ibang probinsya, sa Maynila, at syempre sa Sta. Mesa.

Kaakibat ng pag-aaral ng kolehiyo ang pagkakaroon ng matrikula, pwera pa ang mga bayarin sa tuwing may pagsusulit, mga proyekto at iba pa. Hindi biro ang halagang kailangang bunuin sa pagpasok sa unibersidad. Sa panahon ngayon, at kahit na sa Unibersidad ng Pilipinas na dating halos anim na libo lang ang binabayad kada semestre, sampung taon na ang nakalilipas ay nagbabayad na ng higit sa dalawampung libo ang isang estudyante sa isang semestre. Tanging ang ilang piling state-universities na lang katulad ng PUP (Polytechnic University of the Philippines) ang may tuition fee na masasabing abot-kaya na ng isang nagpapaaral. (At talagang napakaswerte kong nakapasa ako rito).  Samantala, ang matrikula sa mga pribadong unibersidad sa kalakhang Maynila ay hindi bababa sa 25,000Php at naka-depende pa ito sa dami ng units na kailangang i-enroll ng isang estudyante.

Saan ngayong palad ng kung sino man huhugot ng pambayad sa pag-aaral ang mga pobreng mag-aaral?

Prosti-tuition. Prostitusyon na pangtuition. Iyan ang kadalasang nasisilip na sagot ng mga mag-aaral, karamihan ay kababaihan upang makahagilap ng pangmatrikula sa mas madaling pamamaraan. Isa ito sa mga pinakamainit na isyu sa lipunan, bagamat hindi ito ang sobrang “trending topic” ngayon, hindi pa rin mamatay-matay ang salot na ito.

Sa totoo lang, inis na inis talaga ako sa mga sistemang ito pero kailangan ko talaga ikwento. Isa sa mga istilo ng mga estudyanteng kumakapit sa patalim ay ang “laglag-panyo”. Mag-aabang ang isang estudyante, nakapostura at mabango, at maglalaglag ng panyo sa mga matatandang mayayaman at nakakotse na daraan,. Pagkatapos noon ay, alam na, may pang-tuition na siya, yun nga lang, nadaragdagan ang dungis sa danagal niya.  Isa pa ay ang “titig-kindat”. Tatambay lamang ang isang estudyante sa isang  sikat na mall sa Recto na nagsisimula sa letrang “I”, pagkatapos ay kikindat o makikipagtitigan ito sa natipuhang kustomer at voila!  May pambaon na siya, yun nga lang, sira na naman ang puri niya.

Sa aking palagay, ang prosti-tuition ay isa lamang manipestasyon ng mas malalala pang mga sakit ng lipunan.  Ano ang mga sakit na ito? Una, ang kawalan ng prayoritasyon ng gobyerno sa sector ng edukasyon. Dahil medyo mayabang ang ating Pangulo, gusto niyang magtuon ng pansin sa ating pambansang depensa para makipagsabayan sa ibang bansa. Ang badyet na dapat ay inilalaan nang mas malaki sa kabataan ay napupunta lamang sa pambili ng armas na galing sa Amerika upang mas payamanin pa ang bansang umaalipin sa atin na wala naman tayong napapakinabangan. Mistula tayong papet. Ikalawa ang PAGNANAKAW ng mga MAKAKAPAL NA MUKHANG opisyal mula sa kaban ng bayan. Sa totoo lang, kung ako ang masusunod, gusto ko silang ipakagat sa maraming antik, i-wax ang lahat ng buhok sa katawan at ipasunog lahat sa Luneta para hindi na pamarisan. Ikatlo, ang hindi makatarungang paraan na naiisip ng mga estudyante upang makalusot sa kahirapan. Hindi ako nagmamalinis pero MARAMING PARAAN.  Hindi prostitusyon ang kasagutan para makapag-aral ka. Walang madaling paraan sa mahihirap na bagay. Ang mga bagay na madali mong nakukuha ay mabilis ring mawawala. Hindi ko alam kung tama ba ang mga nalalaman ko pero sa huli, ang naiisip ko, walang pag-unlad na mangyayari sa bansa kung ang kabataan ay sinusupot sa mga kaalaman na dapat nilang matutunan, mapa-eskwelahan man o mapa-labas ng paaralan.

“PROSTITUSYON, EDUKASYON, BIGYAN NG SOLUSYON!” Iyan ang sigaw ko ngayon. Marinig kaya ni P-Noy? Ano kayang magandang gawin para mapansin niya ang hinaing ko? Kung maglaglag kaya ako ng panyo sa harap niya, kung saan nakapaloob ang mga sakit ng mga tinatawag na “pag-asa ng bayan,” pupulutin niya kaya?

HINDI SIGURO. NAGTUTULUG-TULUGAN PA. MAHIRAP GISINGIN ANG TAONG AYAW TALAGANG MAGPAGISING.



Resources:

Prostitute, Retrieved Date, January 22, 2014
http://www.google.com.ph/imgres?sa=X&biw=1024&bih=499&tbm=isch&tbnid=IBtl10nA5m_rYM%3A&imgrefurl=http%3A%2F%2Faniruddhn.wordpress.com%2F2012%2F11%2F02%2Fprostitution-legalisation%2Fprostitution-tsy2%2F&docid=RjNrI-WsO1Hy7M&imgurl=http%3A%2F%2Faniruddhn.files.wordpress.com%2F2012%2F11%2Fprostitution-tsy2.jpg&w=649&h=497&ei=acnfUs2fCsmfkAWGh4HoDQ&zoom=1&ved=0CJwCEIQcMEE&iact=rc&dur=340&page=6&start=56&ndsp=12