Miyerkules, Marso 5, 2014

PAKSIW NA AYUNGIN (Masarap... sobra.)


Paksiw na Ayungin
ni Jose F. Lacaba

Ganito ang pagkain
ng paksiw na ayungin:
bunutin ang palikpik
(para sa pusa iyan
at ang matirang tinik),
at ilapit sa labi
ang ulo, at sipsipin
ang mga matang dilat;
pagkatapos ay mismong
ang ulo ang sipsipin
hanggang sa maubos ang
katas nito.
Saka mo
umpisahan ang laman.

Unti-unti lang, dahan-
dahan, at simutin nang
husto--kokonti iyang
ulam natin, mahirap
humagilap ng ulam.
Damihan mo ang kanin,
paglawain sa sabaw.
At huwag kang maangal.
Payat man ang ayungin,
pabigat din sa tiyan.



(http://avrotor.blogspot.com/2010/12/part-2-rare-food.html)




          Hindi ako kumakain ng paksiw na ayungin kaya hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung bakit ito ang napili kong tula. Nasa mataas na paaralan pa lamang ako ay tuwang-tuwa na ako sa tulang ito sa di ko malamang kadahilanan.

          Ika nga ng isang pilosopo, huwag daw gawing kumplikado ang mga simpleng bagay, kaya naman ipapaliwanag ko ang tulang ito gamit ang Teoryang Formalismo. Hindi ko alam kung mababaw ba ako, ngunit nakikita ko ang tulang ito bilang isang “pagdedemo.” Habang binabasa ko ang tulang ito, tila ba naglalaway ako.

Sa una at ikalawang taludtod, mababasang animo’y pinapakita ang pagkain ng paksiw na ayungin, sa ikatlo hanggang ikasiyam na taludtod, itinuturo ang bawat detalye kung paano hihimayin ang isdang na magsisimula sa pagbunot ng palikpik at ibigay na lang ito sa pusa para hindi matinik. Sinundan ito ng pagsubo ng ulo ng isda at kailangang sipsiping mabuti upang masimot ang katas at susundan ito na ng pagkain na ng laman o katawan.

Pagdating naman sa ikalawang saknong, animoy’ pinapakita na dapat dahan-dahanin , lubus-lubusin at simutin ang pagkain ng isdang ito dahil mahirap ang maghanap ng uulamin at kakaunti lamang ito.  Nagpayo rin na damihan ang paglalabay ng sabaw sa kanin upang mabusog sa kakarampot na ulam. Sa huling mga taludtod, nagbabalang huwag na magreklamo sa pag-uulam ng paksiw na ayungin dahil bagamat maliit na uri lamang ng isda ito ay makakapaglaman din ito ng tiyan ng sinumang kakain nito.

Gusto mo na rin ba ng paksiw na ayungin?

RESOURCES:
(Photo, http://avrotor.blogspot.com/2010/12/part-2-rare-food.html) Date Retrieved: March 5, 2014